
Sa darating na October 2025, dadaluhan ng Procurement Service - Department of Budget and Management (PS-DBM) sa Vitoria-Gasteiz, Spain ang Open Government Partnership (OGP) Summit bilang kinatawan ng Philippine national government sa OGP OpenGov Challenge—isang pandaigdigang kompetisyon na nagtataguyod ng open governance o bukas na pamamahala.
Matatandaang kinilala ng OGP ang commitment ng PS-DBM bilang isa sa mga eligible entries na pinagpilian mula sa submission ng iba’t ibang bansa sa buong mundo. Mula nang makumpirma ang opisyal nitong paglahok, sa patnubay ni DBM Secretary Amenah F. Pangandaman, ay walang tinag ang PS-DBM sa pagsusulong ng adhikain nito: improvement of data availability, interoperability, and public participation in procurement.
Ang commitment na ito ng PS-DBM ay sumasalamin sa mas malaking isyu at tumutumbok sa mas maigting na laban: wakasan ang korapsyon.
Sa kabila ng mainit na usapin hinggil sa mga anomalya’t katiwalian ngayon, masigasig na itinataguyod ng PS-DBM ang prinsipyo ng transparency sa public procurement upang tiyaking kaisa nito ang taumbayan sa pagsusulong ng mga reporma sa serbisyo publiko.
Sa panayam kay PS-DBM Executive Director (ED) Genmaries “Gen” Entredicho-Caong sa ginanap na OGP Asia and the Pacific Regional Meeting, sinabi niyang hindi lingid sa kanyang kaalaman ang pananaw ng publiko sa procurement contracts; na ang mga ito ay madalas na resulta ng panlilinlang at sabwatan.

Upang baguhin ang impresyong ito, patuloy ang PS-DBM sa modernisasyon ng Philippine Government Electronic Procurement System (PhilGEPS) bilang pangunahing pinagkukunan ng impormasyon patungkol sa procurement activities ng gobyerno. Dagdag pa ni ED Gen, hindi availability of procurement data kundi accessibility ng publiko sa mga ito ang dapat pagtuunan ng pansin. Kaya’t ito mismo ang binuong commitment ng PS-DBM sa pagsali sa kompetisyon
Ngayong ganap nang batas ang New Government Procurement Act (NGPA), kumpyansa si ED Gen na mas maisasakatuparan nito ang mithiin dahil naisasabatas na ang mga konsepto ng open data at open contracting, beneficial ownership transparency, real-time monitoring tools, at participatory procurement.
Sa parehong panayam ay sinang-ayunan si ED Gen ni Lyonel Tanganco ng WeSolve Foundation, isang partner civil society organization ng PS-DBM sa pagtupad ng commitment nito sa OGP OpenGov Challenge. Sinabi niyang ang accessibility to procurement information o proactive data disclosure ay kritikal sa paglalantad ng korapsyon.
Bukod sa PS-DBM, bahagi rin ng kompetisyon ang mga pamahalaang panglungsod ng Baguio City, Larena City, at Quezon City.
Bago pa man ang OGP Summit hanggang sa matapos at mapagtagumpayan ito, may mga kilos protesta man o wala, mananatiling nakatuon ang PS-DBM sa matapat at mahusay na pagtupad nito sa tungkulin. Batid ng PS-DBM na walang sinisino ang pananagutan, dahil lahat—lalo ang serbisyo publiko—ay dapat bukas sa pagmamatyag ng tao.
Sa PS-DBM, bukas ang pamamahala tungo sa magandang bukas ng bansa! | September 22, 2025/KR
• Basahin: How the Philippines is transforming public procurement
• Parehong video: Improving Data Availability, Interoperability, and Public Participation in Procurement
