Mainit ang naging pagtanggap ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon Province sa Procurement Service – Department of Budget and Management (PS-DBM) sa paglulunsad nito ng PS-DBM on Wheels (PoW) sa Quezon Convention Center, Lucena City, July 9, 2025. 

Ang PoW ay inisiyatibo ng PS-DBM na naglalayong ilapit ang mga produkto at serbisyo ng ahensya, partikular ang mga common-use supplies and equipment (CSE), sa mga kawani ng gobyerno kabilang ang mga local government units (LGU) sa labas ng Metro Manila at mga malayo sa PS-DBM Regional Depots.

Sa isang maikling programa, pinangunahan ni PS-DBM Executive Director (ED) Genmaries “Gen” S. Entredicho-Caong ang opisyal na pagbubukas ng PoW. Sa kanyang mensahe, pinasalamatan ni ED Gen si Quezon Province Governor Doktora Helen Tan at ang mga dumalong client-agencies with pre-orders.

“Iba’t iba man ang lugar na ating pinanggalingan, nakatitiyak ako na tayo ay pinagbibigkis ng iisang tungkulin: ang mas pagbutihin ang serbisyo publiko para sa ating mga pinaglilingkuran,” saad ni ED Gen patungkol sa mga kawani at ahensyang naggaling sa iba’t ibang bahagi ng CALABARZON at mga karatig na rehiyon.

Sa isang video message, nagdeklara din ng suporta si Doktora Helen. Kinikilala niya ang PoW bilang isang “epektibong hakbang” ng PS-DBM sa paghahatid ng mas pinalawig na serbisyo publiko. Malugod niya ring tinanggap ang lahat sa kanilang “maunlad at malusog” na lalawigan.

 “Taos-puso naming pinasasalamatan ang PS-DBM para po sa malaking karangalan na binigay po ninyo sa aming lalawigan dahil dito po ninyo napili na idaos ang ating PS-DBM on Wheels,” pahayag ni Provincial Administrator Manuel Butardo bilang kinatawan ng gobernador.

Kasama ni ED Gen at ni Mr. Butardo sa programa sina Deputy ED Philip Josef Vera Cruz, Operations Office Acting Director Samantha Grace Moscoso, Regional Operations Office Acting Director Judith Riza Bleza, Marketing and Sales Division Division Chief Omar Bernal, at si former PS-DBM ED at ngayo’y Managing Director of Bangko Sentral ng Pilipinas Dennis Santiago.

Bahagi ng programa ang paggawad ng plaque of appreciation sa mga piling ahensya, gaya ng Bureau of Internal Revenue - Region 9 CABAMIRO; Municipality of Boac, Marinduque; City Government of Batangas; Professional Regulation Commission - Lucena City; Philippine Statistics Authority Regional Statistical Services Office MIMAROPA; at Department of Education Batangas Province. 

Ang paghahatid ng Abot-kayang Produkto at Abot-kamay na Serbisyo sa mga ahensyang ito, kabilang ang iba pang bumili, ang sentro ng layunin ng PS-DBM sa pagsasagawa ng PoW—na siyang buong-tiwalang sinusuportahan ni DBM Secretary Amenah F. Pangandaman.

“The PS-DBM on Wheels gives agencies the convenience of purchasing their CSE without physically traveling to our regional depot offices. Because we believe that we need to bring our services closer to our stakeholders and make our government more accessible to our people,” saad ng kalihim sa kanyang video recorded message.  | July 9, 2025/PM-LR

Back to Top